Friday, August 4, 2017

Bakit mahalaga ang panitikan sa isang bansa? Kailangan nga ba talaga itong mapag-aralan ng mga mag-aaral?

             Ang Panitikan o Panulatan ay ang pagsulat ng tuwiran o tuluyan at patula na nag-uugnay sa isang tao. Ito ay maaaring nagsasabi o naghahayag ng mga hangarin, kaisipan, damdamin at karanasan ng isang tao. Naihahayag at nailalarawan ito sa pagsulat ng tuwiran, tuluyan at patula. Ang salitang PANITIKAN ay nanggaling sa salitang "Pang-titik-an" at ang salitang titik naman ay nangangahulugang literatura, na ang literatura ay galing sa salitang "littera" na nangangahulugang titik. Ang panitikan ay kaugnay ng kasaysayan dahil sa pag-aaral ng kasaysayan, napapaloob dito ang mga damdamin, mga paniniwala, kultura at tradisyon na siyang sinasalamin ng panitikan. Ang Panitikang Pilipino ay pahayag na pasalita o pasulat ng mga damdaming Pilipino tungkol sa pamumuhay, pag-uugaling panlipunan, paniniwalang pampulitika at pananampalatayang niyakap ng mga Pilipino.
      

             Para sa akin, ang panitikan ay marapat lamang na pag-aralan sa mga paaralan dahil makakatulong ito sa pambansang pagkakakilanlan at pagkakaisa ng mga Pilipino. Sinasalamin ng Panitikang Pilipino ang tradisyon, kaugalian, paraan ng pamumuhay, mga problema sa panahon kung kailan ito naisulat, at kung minsan ay mayroon rin itong mga hindi kapani-paniwalang pangyayari. Ang panitikang Pilipino ay biyaya ng Diyos sa ating mga ninuno. Ipinamana naman ng ating mga ninuno sa atin ang panitikang Pilipino upang ito ay ating malaman, palawakin at pagyamanin. Marapat lamang na tayong mga Pilipino ang maunang tumangkilik o magbasa ng mga akda na mula sa ating bansa para oras na ipagmalaki o ibahagi natin ito sa iba, alam na natin ang nilalaman nito. Makakatulong din ang mga ito sa atin na makisama sa ibang tao lalo na kung nakapagbasa na tayo ng akda na mula sa lugar kung saan tayo naroroon. 

Ilang Halimbawa ng Panitikang Pilipino: 

  • Alamat - isang uri ng kuwentong bayan na nagkukuwento o tumatalakay sa pinagmulan ng mga bagay, lugar, pangyayari o katawagan. Ito din ay tumatalakay sa mga katutubong kultura, kaugalian o kapaligiran. Isa itong kuwento na kinapupulutan ng aral para sa ikabubuti ng iba at sumasalamin sa kultura ng bayang pinagmulan.
               Alamat ng Unggoy                                         Alamat ng Bayabas

             
                           
  • Bugtong - isang pahulaan sa pamamagitan ng paglalarawan.
     Heto na si Kaka, bubuka-bukaka.          Lumuluha walang mata, lumalakad walang paa.               
       


  • Epiko - kwentong may tema ng kabayanihan.
Darangan - Epiko ng mga Maranao                 Tuwaang - Epiko ng mga Bagobo


                      
                     
  • Tula - kilala sa malayang paggamit ng wika sa iba't ibang anyo at estilo. Pinagyayaman ito sa pamamagitan ng paggamit ng tayutay.
  • Dula - Nahahati ito sa ilang yugto na maraming tagpo. Pinakalayunin nitong itanghal ang mga tagpo sa isang tanghalan o entablado.
  • Nobela - Tanyag ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal

    
  • Maikling Kuwento -  isang maiksing salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisang kakintalan o impresyon lamang. 
  • Pabula - isang uri ng kathang-isip na panitikan kung saan ang mga hayop o kaya mga bagay na walang-buhay ang gumaganap na mga tauhan, katulad ng leon at daga, pagong at matsing, lobo at kambing, at kuneho at leon.
  • Parabula - ay isang maikling kuwentong may aral na kalimitang hinahango mula sa Bibliya.
  • Bulong - isang matandang katawagan sa orasyon ng mga sinaunang tao sa kapuluan ng Pilipinas.
  • Awiting Bayan - ay mga awit ng mga Pilipinong ninuno at hanggang ngayon ay kinakanta o inaawit pa rin. Halimbawa ng mga awiting ito ay Leron Leron Sinta, Atin Cu Pung Singsing, Manang Biday, Paru-parong Bukid, Bahay Kubo at Magtanim ay Di Biro.
  • Sanaysay - isang maiksing komposisyon na kalimitang naglalaman ng personal na kuru-kuro ng may-akda.

Pagmamalaki sa Panitikang Pilipino

            Maraming paraan upang ipagmalaki ang Panitikang Pilipino, at bilang mga Pilipino, tayo dapat ang gumagawa ng paraan upang ipagmalaki ang mga ito at manghikayat ng ibang tao upang tangkilikin din ang mayroon sa bansa natin. Maipagmamalaki mo ang Panitikang Pilipino sa pamamagitan ng pagbabasa at pagiintindi nito. Sa oras na mabasa natin at maintindihan natin ang isang akdang Pilipino, may kakayahan na tayong ibahagi ito sa iba at hikayatin sila na magbasa rin. Dapat rin nating hasain ang ating mga talento, maaari tayong magsulat ng mga akda na magtataglay ng katangian na ipinakikita ng Panitikang Pilipino. Bakit dapat ipagmalaki ang Panitikang Pilipino? Dahil ba itinuturo lang ito sa atin sa paaralan? Hindi, dahil ang panitikan ang nagsisilbing pagkakakilanlan natin mula sa ibang bansa. Ipinakikita nito ang mga naging karanasan ng ating mga ninuno mula sa mga mananakop na nagsilbing daan upang makilala ang ilang mga Pilipino na nagbuwis ng buhay para sa bayan. 


          Bilang mga Pilipinong mapagmahal at mapagmalasakit sa ating sariling kultura, dapat nating pag-aralan ang ating panitikan. Tayo higit kanino man ang dapat magpahalaga at tumangkilik sa sariling atin.

           
            

No comments:

Post a Comment